Pagdalo sa SONA inintriga, Boss Toyo umalma

INALMAHAN ng social media personality na si Boss Toyo ang mga nang-iintriga sa pagdalo niya sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kahapon, July 22.

Suot ang Barong Tagalog, isa si Boss Toyo sa mga bisita na naglakad sa red carpet.

Kasabay ng  “Pinoy Pawnstars” vlogger ang mga mambabatas at ilan pang kilalang personalidad sa mundo ng politika.

“Nagtataka ako bakit me mga taong nagkkwestyon bkit ako nasa SONA. Bkit bawal po ba ang isang content creator dto? Bawal po ba ang isang tulad ko dito?” reklamo niya sa Facebook post.

“Bawal ba dahil hndi aq politiko? Bawal ba dahil di mataas ang antas ko sa lipunan. Masyado kayong nanghhamak ng tao,” dugtong niya.

Paliwanag ni Boss Toyo, nais niyang marinig nang personal ang sasabihin ni Marcos sa taumbayan.

“Wala ako nakikitang masama kung andito ako or kahit sinong tao andito. Pilipino ako at me paki ako sa bayan ko. Si toyo toh mah men,” giit niya.