PINURI ng Department of Finance (DOF) ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) matapos itong makapag-remit ng Php12.7 bilyon sa National Treasury noong 2024.
Tinanggap ng PAGCOR ang Certificate of Recognition sa ginanap na 2025 Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) Day sa Malacañang Palace noong Setyembre 16.
Pumangatlo ang PAGCOR sa listahan ng mga GOCC na may pinakamalaking remittance noong nakaraang taon, kasunod ng Land Bank of the Philippines (Php33.5 bilyon) at Bangko Sentral ng Pilipinas (Php18.9 bilyon).
Sa kabuuang Php12.7 bilyong remittance ng PAGCOR, Php8.45 bilyon dito ay ang mandatory 50% share mula sa net income ng ahensya, habang Php4.22 bilyon naman ang advance remittance o paunang bayad na katumbas ng 25 porsyento ng susunod pang obligasyon.
“This award is a meaningful affirmation of PAGCOR’s steadfast commitment to nation-building and fiscal responsibility,” ani PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco. “Each peso we generate and remit to the National Treasury reflects the dedication of our workforce and the trust placed in us by the Filipino people.”
Tiniyak din ni G. Tengco na mananatiling katuwang ng DOF ang PAGCOR sa pagpapatatag ng pananalapi ng bansa at sa pagsuporta sa mga programang nakatutulong sa mamamayan.
Pinangunahan ni Finance Secretary Ralph Recto ang seremonya at pinasalamatan ang mga GOCC sa kanilang ambag sa pagpapalago ng pondo ng gobyerno nang hindi na kailangang magpataw ng dagdag na buwis.
“When we set a higher bar for dividend remittances, you not only responded but even exceeded expectations,” ani Recto. “You did so not merely because the law required you to, but because you remain true to the very reason you exist—to serve the Filipino people.”


