PAGCOR, PCSO sanib-puwersa sa pamamahagi ng PTVs

PINAIGTING ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang suporta nito sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan sa pamamagitan ng donasyon ng mga Patient Transport Vehicles (PTVs) na nagkakahalaga ng Php141 milyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ipamamahagi sa buong bansa.

Pormal na nilagdaan ng PAGCOR at PCSO ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa donasyon sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City noong Miyerkules, Oktubre 15, 2025.

Sakop ng donasyong ito ang 70 fully equipped na PTVs na ipamamahagi ng PCSO sa mga kwalipikadong local government units (LGUs) upang mapahusay ang serbisyong medikal at mapabilis ang paghatid ng tulong lalo na sa mga liblib na lugar.

Bawat sasakyan ay kumpleto sa GPS navigation system, stretcher, medical oxygen, wheelchair at first aid kit upang matiyak ang maayos at mabilis na pagresponde sa mga emergency.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, ang donasyon ay patunay ng suporta ng ahensya sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para palakasin ang sistemang pangkalusugan ng bansa.

“These vehicles are not mere means of transport, they are lifelines that can spell the difference between life and death for those who need immediate medical attention,” ani G. Tengco. “By combining PAGCOR’s resources with PCSO’s long-standing experience in health-related programs, we can reach more communities and save more lives.”

Nagpasalamat din siya kay PCSO General Manager Melquiades Robles at sa  team nito sa nasabing proyekto.

“Simula pa lang ito ng ating pagtutulungan at nawa’y maipadama natin ang pagkalinga at mga biyayang pareho nating pinaniniwalaang makakatulong sa bawat mamamayang Pilipino,” ani G. Tengco.

Ang 70 yunit ng PTVs ay bahagi ng pangako ng PAGCOR na magbigay ng kabuuang 246 sasakyan sa iba’t ibang LGU, ospital at frontline agencies sa buong bansa. 

Mula nitong Pebrero ay nakapamahagi na ang PAGCOR ng 60 yunit sa mga piling benepisyaryo.