PAGCOR: Online gambling transactions bagsak ng 50% matapos ipagbawal ang e-wallet links

BUMAGSAK ng halos 50% ang online gambling transactions mula nang ipatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagbabawal sa e-wallet links sa mga online gaming platform, ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco.

“Para po sa kaalaman ng lahat, naobserbahan po ng PAGCOR na simula po noong Linggo hanggang kahapon ay bumagsak po ng siguro ay 50% ang online gaming transactions simula nang inuutos ng Bangko Sentral na mag-delink muna ang mga e-payment platforms sa integration with online gaming companies,” pahayag ni G. Tengco sa pagdinig ng House Committee on Appropriations.

Dagdag pa niya, “It is the BSP which regulates the e-payment platforms, and we have been exchanging information with them. I would like to give credit to the BSP because they are also coming with stricter guidelines to control the e-payment platforms.”

Nauna nang iniutos ng BSP sa e-wallet providers na alisin ang icons at links sa online gambling sites sa loob ng 48 oras. Agad namang sumunod ang GCash at Maya bago sumapit ang deadline nitong Linggo.

Gayunpaman, aminado si Tengco na malaking hamon pa rin ang pagsugpo sa online gambling addiction at illegal operators. 

“Ang nakakalungkot pong sabihin, wala pa pong 40% ang legal online gaming dito po sa Pilipinas… mahigit pong 60% ay illegal pa,” sabi niya. Idinagdag pa niyang karamihan sa mga iligal na operator ay nakabase sa Russia, Dubai, Cambodia at Singapore.

Kasalukuyang may 70 online gaming providers na may lisensyang ibinigay ng PAGCOR. “Doon po sa 70 na may lisensya ey sumusunod sila sa mga patakaran,” giit ni Tengco. Ngunit inamin din niyang hirap silang tugisin ang mga iligal na site kahit nakikipag-ugnayan na sila sa DICT, CICC, PNP at cybercrime units.

Sa kabila nito, lumago pa rin ang gaming industry. Batay sa datos ng PAGCOR, umabot sa P214.75 bilyon ang gross gaming revenues (GGR) mula Enero hanggang Hunyo 2025—26% na mas mataas kumpara noong nakaraang taon. Nanguna ang electronic gaming sector na may halos P115 bilyong kita o higit kalahati ng kabuuang GGR.