UMATRAS si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) senior vice president Raul Villanueva sa nauna niyang pahayag na isa umanong dating hepe ng Philippine National Police ang tumulong sa sinibak na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo na makalabas ng bansa.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Maj. Gen. Leo Francisco na umamin umano si Villanueva na “purely gossip” o tsismis lang ang sinabi niya sa Senado noong isang linggo na dating pinuno ng PNP ang tumulong kay Guo.
Ginawa umano ni Villanueva, na isa ring retiradong general at dating commanding officer ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), ang pag-amin ng kausapin niya ito base na rin sa utos ni Chief PNP Gen. Rommel Marbil na imbestigahan ang sinasabing rebelasyon ng Pagcor official sa ginagawang pagdinig ng Senado na may kinalaman sa POGO.
“Ang sinasabi lang naman niya ay wala siyang tinukoy at ito naman ay tsismisan lang among the intelligence community pero sabi ko sa kanya, ‘Sir, nabahala ang mga ex-Chief PNP natin at ito ay naging malaking concern at issue sa PNP ‘yung statement na ‘yun,” ayon kay Francisco.
Sinabi ni Francisco na hindi na umano itutuloy ng CIDG ang imbestigasyon.
Wala rin anya siyang ideya kung bakit ito nagawa ni Villanueva na isang retirado ring pulis.
“He said it was all gossip. That is where our conversation ended. Now, he said he is willing to answer questions from the media if asked,” ayon pa kay Francisco.
Hindi pa rin anya niya alam kung kakasuhan nila si Villanueva. (PNA)