PAGCOR nag-donate ng Patient Transport Vehicle sa PNPA

IPINAGKALOOB ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang Patient Transport Vehicle (PTV) sa Philippine National Police Academy (PNPA) nitong Huwebes, Marso 20.

Ang donasyon ay bahagi ng ipinangakong Php300 milyong tulong pinansyal ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco sa PNPA, na kanyang inanunsyo sa ika-45 Alumni Homecoming ng akademya sa Camp Gen. Mariano Castañeda sa Silang, Cavite noong nakaraang linggo.

Personal na iniabot ni Chairman Tengco ang PTV kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz, na siya ring Chairman ng PNPA Alumni Association Inc. (PNPAAAI).

Kumpleto ang PTV sa GPS navigation system, ambulance stretcher, medical oxygen, wheelchair at first aid kit.

“Ang donasyong ito ay patunay ng dedikasyon ng PAGCOR na suportahan ang law enforcement community sa pamamagitan ng pagpapabuti ng mga pasilidad na tumutulong sa pagsugpo ng krimen at pag-aalaga sa kapakanan ng mga tauhan at kadete,” ani Tengco.

Ayon kay Col. Marcial L. Fa-ed, hepe ng Logistics Management Division ng PNPA, ilalagay ang nasabing PTV sa PNPA Dispensary.

“Kailangan po namin ito para sa mga kadeteng kailangang i-refer sa labas ng PNPA. Maraming salamat kay PAGCOR Chairman Tengco at sa buong PAGCOR management dahil malaking tulong itong PTV sa amin,” pahayag ni Col. Fa-ed.