PAGCOR muling nakamit ISO 9001:2015 certification

MULING napanatili ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang prestihiyosong ISO 9001:2015 certification matapos itong pumasa sa masusing pagsusuri ng DQS Certification Philippines, Inc. (DQS).

Pormal na iginawad ngayong araw, Abril 24, sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City ang ISO 9001:2015 certificate bilang patunay ng pagsunod ng ahensya sa pandaigdigang pamantayan ng pamamahala.

Sakop ng isinagawang audit ang walong dating sertipikadong sites gaya ng PAGCOR Main Corporate Office at mga Casino Filipino branches sa Tagaytay, Angeles, Citystate, Cebu, Ilocos Norte, Olongapo at Bacolod. Pinalawak din ang sakop ng sertipikasyon sa 10 karagdagang sites gaya ng Casino Filipino Grand Regal, Malabon Grand, Binondo, Manila Grand Opera, Greenery, Midas, Kartini, Oriental Pearl, Networld, at Tropicana sa Las Piñas.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, malaking karangalan na mapanatili ang sertipikasyon dahil patunay ito ng dedikasyon ng ahensya sa mahusay at tapat na serbisyo.

“Maintaining our ISO 9001:2015 certification is certainly no small feat,” ani Tengco. “This is the result of the collective effort of the entire PAGCOR family, and it reflects our team’s discipline, teamwork and commitment to quality service for the benefit of the government and the Filipino people.”

Sa audit report, pinuri ng DQS ang pamunuan ng PAGCOR sa patuloy na pagsuporta nito sa “quality improvements” at “effective risk management”. Ibinida rin ng DQS ang matatag na operational controls ng ahensya, maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga departamento, at pagtutok sa employee engagement at customer satisfaction.

Ilan pa sa mga tampok na inobasyon ng PAGCOR na kinilala sa audit ay ang modernisadong paghawak ng cash transactions sa gaming tables, paggamit ng customer feedback system, at e-learning compliance training, partikular sa Anti-Money Laundering (AML).

Pinuri rin ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng “Card Canister Randomizer” at digital record-keeping systems na lalo pang nagpapataas sa kalidad ng serbisyo ng ahensya.