PAGCOR kumita ng Php28B sa Q1; net income tumaas sa Php4.2B

PUMALO sa Php28.07 bilyon ang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa unang tatlong buwan ng 2025, mas mataas ng 11.2% kumpara sa Php25.24 bilyon noong unang quarter ng nakaraang taon.

Malaking bahagi ng naturang kita ay mula sa gaming operations na umabot sa Php25.52 bilyon. Pinakamalaki ang ambag ng Electronic Games at E-Bingo segment na nagtala ng Php14.32 bilyon o 56% ng kabuuang gaming revenues, habang ang mga licensed casinos ay nagbigay ng Php8.32 bilyon (32.6%) at ang mga casino na mismong pinatatakbo ng PAGCOR ay nag-ambag ng Php2.88 bilyon (11.31%).

Bukod sa paglago ng kita, bumaba rin ng 15.54% ang gastos sa operasyon ng ahensya—mula Php7.36 bilyon noong 2024 ay naging Php6.21 bilyon ngayong taon.

Dahil dito, tumaas ng 23% ang net income ng PAGCOR na umabot sa Php4.22 bilyon kumpara sa Php3.43 bilyon noong unang quarter ng nakaraang taon.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, bunga ito ng mas epektibong pamamalakad at mga reporma sa loob ng ahensya.

“This solid performance reflects PAGCOR’s commitment to responsible governance and fiscal discipline,” ani Chairman Tengco. “The gains we have made in the first quarter will allow us to contribute even more to nation-building for the rest of the year.”

Dagdag pa ng PAGCOR chief, magpapatuloy ang kanilang mga inisyatibo para mapalakas ang regulatory oversight at inobasyon sa ahensya.

“We will continue to innovate and strengthen regulatory oversight to ensure that the agency’s revenues directly benefit the Filipino people through its nation-building and corporate social responsibility programs,” wika niya.

Umakyat din sa Php18.9 bilyon ang kabuuang ambag ng PAGCOR sa nation-building sa unang quarter ng 2025—mas mataas ng 21.5% kumpara sa Php15.56 bilyon noong parehong panahon ng 2024.