PAGCOR inalmahan pekeng gaming certification

NAGBABALA ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa publiko laban sa mga naglipanang pekeng gaming certification na ginagamit ang Lucky 7 Bingo Corporation para manghikayat ng mga investor.

Ayon sa PAGCOR, nakatanggap sila ng ulat na pumapasok umano ang Lucky 7 Bingo Corporation, isang lehitimong licensee ng E-Games venue, sa mga kasunduan kung saan nangangako ito ng kita na aabot sa P50,000 sa pamamagitan ng tinatawag na “Lucky 7 Bet Lottery Platform.”

Bahagi ng modus ang paniningil ng P3,000 na deposito.

Nilinaw ng PAGCOR na ang lisensyang binabanggit sa mga kasunduan ay isang pekeng offshore gaming license. Ipinaalala ng ahensya na simula pa noong Disyembre 31, 2024, ay ipinagbabawal na ang mga offshore gaming operations sa bansa.

“While Lucky 7 Bingo Corporation is a legitimate licensee for E-Games venue operations as of April 30, 2025, it does not hold any valid offshore gaming license,”  paliwanag ni Atty. Jessa Fernandez, hepe ng PAGCOR Offshore Gaming and Licensing Department.

“The license presented in said agreements is fake, and any engagement based on it is fraudulent,” dagdag niya. “We strongly advise the public to exercise due diligence when engaging with entities claiming to be PAGCOR-accredited.”

Hinimok din ni Fernandez ang publiko na mag-verify lamang ng impormasyon ukol sa mga lisensyadong kumpanya ng ahensya sa opisyal na website ng PAGCOR (www.pagcor.ph) o sa pamamagitan ng trunkline numbers na +632 8521-1542 at +632 8522-0299.

“We urge the public to remain vigilant and always verify the legitimacy of a PAGCOR-licensed gaming entity before entering into any agreements or making any form of payment,” aniya.

Kamakailan ay nagbabala rin ang PAGCOR laban sa mga pekeng website at Viber messages na ginagamit ang pangalan ng mga opisyal ng ahensya.