PAGCOR chief pinarangalan sa Asia Gaming Awards

GINAWARAN si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro H. Tengco ng kauna-unahang Regulatory Landmark Award sa 2025 Asia Gaming Awards na ginanap noong Martes, Marso 18, sa Grand Ballroom ng Shangri-La The Fort.

Ang karangalan ay bilang pagpupugay sa malaking ambag ni Tengco sa patuloy na paglago ng gaming industry sa bansa. 

Ang nasabing pagkilala ay bagong kategorya sa prestihiyosong Asia Gaming Awards, na nasa ikalimang taon na ng paggawad ng parangal sa mga lider at institusyong nangunguna sa larangan ng regulasyon sa gaming.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Tengco ang buong PAGCOR team at mga katuwang sa industriya.

“This award reaffirms our efforts in fostering a well-regulated gaming sector in the Philippines. It will serve as an inspiration for all of us to continue shaping an industry that is not only profitable but also ethical, sustainable, and beneficial to the communities we serve,” aniya.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakapagtala ang Philippine gaming industry ng record-breaking gross gaming revenue (GGR) na Php410 bilyon noong 2024 – 25% na pag-angat mula sa Php329 bilyon noong 2023.

Nakamit din ng PAGCOR ang all-time high revenue na Php112 bilyon noong 2024, o 41% pagtaas kumpara sa kita ng sinundang taon.