IPAGBABAWAL na sa San Juan ang paliligo at paglalaro sa baha sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng leptospirosis, isinapubliko ni Mayor Francis Zamora.
Ginawa ni Zamora ang anunsyo makaraang umapela si Health Secretary Ted Herbosa sa mga lokal na pamahalaan ng mga bahain na lugar na magdeklara ng ban sa paliligo sa baha dahil isa ito sa mga sanhi ng leptospirosis.
“Kapag magkaroon tayo ng ganitong ordinansa, obligado ngayon ang ating mga magulang, mga lolo’t lola na ipaliwanag sa kani-kanilang mga anak, apo kung gaano kadelikado ang paglalangoy sa tubig baha,” ayon sa alkalde.
Hinimok din ni Zamora, pinuno ng Metro Manila Council, ang iba pang mayor sa Metro Manila na magpatupad ng kaparehang ordinansa.
“Hinihikayat natin ang ating mga LGUs sa Metro Manila na magpasa ng kanilang mga ordinansa upang ipagbawal ito,” aniya.
“Ang mga Metro Manila mayors naman po, may kani-kanilang mga desisyon, na posibleng sumang-ayon sila, posibleng hindi. Ganoon pa man, magkaroon man ng resolusyon o hindi ang Metro Manila Council, ang lungsod ng San Juan po ay magpapasa ng ordinansa patungkol dito. Sapagkat kami po’y naniniwala na tungkulin ng ating pamahalaang lungsod na siguraduhin ang kaligtasan ng bawat isa,” dagdag niya.
Taliwas naman ang pananaw ng Quezon City LGU ukol sa isyu. “Pag sinabi mo kasing ordinansa, may penalty po iyan. So kung nabaha na ‘yung tao, nasira na lahat ng gamit niya, ipe-penalty mo pa siya, pagbabayarin mo pa po siya. Parang hindi naman siya makatao,” ani QCDRRMO spokesperson Peachy De Leon.