WALANG balak na magbigay ng kanyang sorry si Senador Robinhood Padilla hinggil sa kanyang pahayag hinggil sa “womanizing”.
Ito ay matapos hilingin ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na dapat humingi ng pasensiya si Padilla sa publiko dahil sa pahayag hinggil sa pambababae.
Gayunman nilinaw ni Padilla na wala siyang intensyon para mambastos ng mga babae.
“Gusto ko pong sabihin sa mga kasama natin sa Gabriela, una lola ko po yan, kahit magsaliksik kayo, pangalawa, hindi ko po kailanman, wala pong kahit isang babae ang nagsabi na ako ay isang bastos, naging talipandas, wala po, hindi po ako nagkaroon ng ganyan. Maaari po sa pagsasalita, o mali po ang pagkakaintindi ninyo, o hindi ninyo ako naintindihan pero hindi po ganun,” sabi ni Padilla sa isang panayam sa radyo.
Idinagdag ni Padilla na ang gusto lamang niyang bigyang-diin nang sabihing wala na siyang oras na mambabae ay siniseryoso niya ang kanyang trabaho.
“Kung kinakailangang mag-apologize po ako kahit wala po akong intention, hindi naman po ata tama yun. Ang paghingi ng patawad ay kung may nagawa kang mali, eh sa ngayon po wala pa po akong alam na nagawa kong mali. Ngayon kung ako po ay nagkaroon ng isyu, congresswoman, na ako ay nagkaroon ng isyu sa labas ng aking kasal, ay hihingi ako ng paumanhin at patawad pero sa ngayon po na ang aming pag-ibig ng aking asawa ay namamayani na parang bulaklak ay wala po ako ng gagawing paghingi ng patawad o paumanhin po,” dagdag ni Padilla.
Nauna nang umalma si Brosas sa naging pahayag ni Padilla at nanawagan na siya ay dapat na mag-sorry sa mga kababaihan.