Pader bumigay: 4 sugatan

SUGATAN ang apat katao nang mag-collapse ang perimeter fence ng isang subdivision sa Las Piñas at mabagsakan ang tatlong sasakyan noong Biyernes ng gabi.

Ayon sa pulisya, bumagsak ang pader sa River Drive, Brgy. Almanza Dos sa kasagsagan ng malakas na ulan alas-8.

“Sa sobrang lakas po ng ulan, gumuho po ‘yung pader. So, ang cause po niya ‘yung tubig. Siguro sa tagal na din ng pader, siguro naano. Tapos, alam n’yo naman ‘yung tubig naghahanap ng madadaanan. Walang madaanan siguro,” ani Daanghari PCP Commander Police Maj. Danilo Cosme Jr.

Napinsala ang tatlong sasakyan at bahagyang nasugatan ang apat na sakay ng mga ito.

Samantala, sinabi ng Vista Land, ang developer ng Portofino Heights na nakikipag-ugnayan na sila sa mga may-ari ng mga sasakyan.

“To prevent the same accident from happening again, the structural integrity of the perimeter walls shall be reviewed and measures shall be immediately implemented, if necessary,” dagdag ng kumpanya.