NASITA ng Commission on Audit (COA) and provincial government ng Ilocos Norte dahil sa ginawa nitong pagbili ng mga medical equipment para sa mga pampublikong ospital sa probinsiya na nagkakahalaga ng P39.27 milyon na ngayon ay nakatengga lang at hindi napakikinabangan.
Sa 2022 audit report na inilabas ng COA nitong Abril 27, nabuking ng mga auditors ang mga nakatenggang medical equipment nang isagawa ang inspeksyon noong Nobyembre.
Ayon sa report, 11 unutilized equipment ang natagpuan sa Governor Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital, kabilang dito ang tatlong infant ventilators na nagkakahalaga ng P21.255 milyon, bacterial identification and susceptibility machine na nabili sa halagang P5.4 milyon, microscope na P2.15-milyon, operating table, blood test self-analyzer, at apat na dialysis machine na galing sa Department of Health na nagkakahalaga naman ng P6.58 milyon.
Nabuking din na nakatengga lang sa Bangui District Hospital ang cardiac monitor na may defibrillator na nagkakahalaga ng P1.54 milyon at defibrillator na may halagang P996,000.
Pinaaalahanan ng COA ang pamahalaang lalawigan ng Ilocos Norte na siguraduhing magagamit ang mga binibili nitong mga kagamitan para makapaghatid ng serbisyo sa publiko, at upang makaiwas sa pagkasayang sa resources ng pamahalaan.
“Additionally, the longer these expensive medical equipment (are) left idle, the greater the risk of obsolescence and future breakdown due to deterioration,” sabi ng COA.
Katwiran naman ng Ilocos Norte, napaaga umano ang delivery ng mga nasabing equipment at ang mga personnel na dapat ay silang mamamahala at gagamit sa mga nasabing equipment ay kailangan pang i-train.