‘WAG kayong mag-aalala at hindi umano imposible na bumaba sa P20 ang kada kilo ng bigas, ayon mismo kay Pangulong Bongbong Marcos.
At ‘yan ay mangyayari sa sandaling ang sektor pang-agrikultural at cost of production ay maging normal at establisado.
“May chance lagi ‘yan, kung maayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay magamit na nila,” ayon kay Marcos na siya ring kalihim ng Department of Agriculture.
Madali anyang maibaba sa P20 ang presyo ng bigas sa sandaling magnormalize ang lahat.
“Ngunit, kapag talaga nagawa natin ang cost of production binaba natin ay bababa rin ang presyo ng bigas. Bababa rin lahat. Basta’t mas mataas ang ani kahit na pwede nating ipagpantay ang presyo,” paliwanag pa ng pangulo.
Tiniyak rin ni Marcos na ginagawa ng kanyang pamahalaan ang lahat para maging affordable sa lahat ang presyo ng bigas.