INANUNSYO ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) ang P1 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga pumaslang kay Leninsky “Bogs” Bacud, ikatlong nominee ng ABP party-list ilang araw bago ang May 12 midterm elections sa Sampaloc, Maynila.
“Hindi ito simpleng krimen. Isa itong tahasang pag-atake sa isang lingkod-bayan na tapat at makabayan. Hindi kami titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya,” ayon sa ABP sa isang kalatas.
Ang tinuturong mga pumaslang kay Bacud noong Abril 28 sa P. Guevarra St., Brgy. 435, Sampaloc, Maynila, ay sina Arnold “Ford” Glean Umandap at Joshua Hernandez Andaleon.
Nauna nang naglabas ng arrest warrant without bail laban kina Umandap at Andaleon noong Hulyo 30, ang Manila Regional Trial Court Branch 33.
Nakaalerto na rin ang ang pulisya at kasalukuyang isinasagawa ang manhunt operation laban sa dalawang suspek.
Si Umandap umano ang sinasabing lider ng isang grupo na gumagamit sa pangalan ng ABP, habang si Andaleon naman ang itinuturong isa sa mga nakasakay sa motorsiklong ginamit sa pagpatay sa biktima.
Pinaniniwalaang pulitikal ang motibo ng pamamaslang.
“Nananawagan kami sa publiko: kung kayo ay may impormasyon, huwag kayong mag-atubiling magsalita. Bawat tip ay mahalaga sa paghuli ng mga kriminal,” panawagan ng ABP.
Ang sinumang may impormasyon tungkol sa mga suspek ay maaaring makipag-ugnayan sa
- PNP Hotline: 117
- CIDG: 0951-059-3843
Tiniyak ng ABP na ang pabuya ay ibibigay sa sinumang makapagbibigay ng tama at mahalagang impormasyon habang mananatiling kumpidensiyal ang pagkakakilanlan ng magbibigay ng impormasyon at sisiguraduhin ang kanilang kaligtasan.
“Ang laban na ito ay para sa katotohanan, hustisya, at sa adhikain ng aming kilusan. Hindi kami uurong. Hahabulin namin ang mga salarin hanggang makamit ang katarungan,” ayon pa sa ABP.


