HINILING sa Korte Suprema ng isang grupo ng mga legal at economic experts na atasan nito si Vice President Sara Duterte na ibalik sa kaban ng bayan ang ginastos na mahigit na P125 milyon na confidential funds.
Pinadedeklara rin ng mga petitioner na pinangungunahan ni dating Commission on Elections (Comelec) chair Christian Monson, abogadong si Barry Gutierrez na spokesperson ni dating Vice President Leni Robredo, ekonomistang si Maria Cielo Magno, former Comelec Commissioner Augusto Lagman; dating Commission on Filipinos Overseas chair Imelda Nicolas, at Ateneo Human Rights Center executive director Ray Paolo Santiago sa Korte Suprema na unconstitutional ang ginawang paglilipat ng nasabing halaga ng confidential funds sa OVP mula sa tanggapan ng Pangulo.
“We are concerned because we are talking about money, [taxpayer] money. This is our money,” sabi ni Santiago sa isang press conference matapos ang paghahain ng kaso.
Bukod kay Duterte, tinukoy rin na respondent sa nasabing kaso ay ang Office of the Executive Secretary na pinangungunahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, at Department of Budget and Management (DBM) sa pangunguna naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Sinabi naman ni Duterte na bukas ang kanyang tanggapan sa petisyong isinampa laban sa kanya.
“Umaasa kami na ang dunong ng Korte Suprema ay magiging daan upang tuluyang matapos ang usapin na ito,” pahayag ni Duterte sa isang video.