P10M reward kapalit ng ulo ni Quiboloy

MAY patong na P10 milyong reward money ang ulo ng wanted na founder ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy.

Sa isang Facebook live, inanunso ni Interior Secretary Benhur Abalos ang reward money na inaalok ng Philippine National Police sa sinuman na makakapagbigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Quiboloy para maaresto ito.

Nag-alok din ang PNP ng reward money na tig-iisang milyong piso para sa ulo ng mga kasamahan ni Quiboloy na sina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, at Jackiely Roy.

“Gusto ko pong i-anunsyo sa mga nanunuod at nakikinig na meron tayong mga kaibigang gustong tumulong sa paghahanap sa kanila at nag-ooffer ng reward ng P10 million for any information leading to the arrest of Pastor Quiboloy,” ayon kay Abalos sa isang press conference.

Nitong nakaraang Abril, naglaba ng arrest warrant ang Davao Regional Trial Court laban kina Quiboloy at mga kasamahan nito para sa kasong Anti-Child Abuse Law (Republic Act No. 7610), specifically para sa kasong sexual abuse sa mga minor at maltreatment.

Bago ito, naglabas din ng arrest warrant ang Pasig City Regional Trial Court para naman sa kasong qualified human trafficking, isang nonbailable offense.