KINUMPIRMA ni Marikina Rep. Stella Quimbo na ginastos ng Office of the Vice President ang P125 milyon confidential funds nito sa loob lamang ng 11 araw.
Ginawa ni Quimbo ang rebelasyon habang isinasagawa ang plenary debates nitong Lunes para sa panukalang 2024 budget sa Kamara habang inuusisa ni Gabriela Rep. Arlene Brosas.
Ayon kay Quimbo, maging siya umano ay nasorpresa siya sa mga balita nang gastusin ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang nasabing pondo sa napakaiksing araw.
Pero, anya ang totoo ay hindi 19 kundi 11 na araw lamang ginastos ng OVP ang nasabing pondo.
“Tinanong ko po ang CoA at tiningnan ko po ang mga reports. Pero, hindi po ito nagastos sa loob ng 19 days, kundi 11 days po,” pahayag ni Quimbo, na ikinagulat naman nang husto ni Brosas.
Ayon kay Quimbo, maglalabas ng inisyal na audit report ang COA hinggil sa kontrobersyal na pondo sa Nob. 15 matapos isumite ng OVP ang liquidation report nito noong Enero.