SINALAKAY ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isang ospital sa Pasay City na para lamang umano sa mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon kay PAOCC head Undersecretary Gilbert Cruz, nasamsam ng kanyang mga tauhan ang ilang “high-end equipment” sa clinic gaya ng hemodialysis machine sa nasabing raid.
Matatagpuan ang pagamutan sa hanay ng mga restaurant sa lugar.
“Dito tumatakbo ‘yung mga nasusugatan na mga magpo-POGO, mga nagkakasakit,” ani Cruz.
Sinabi ni PAOCC Spokesperson Winston John Casio na isinagawa ang pagsalakay makaraang madiskubre na walang linsensya ang ospital na mag-operate.
“Kami po ay nagkasa ng mga intelligence visits at napag-alaman namin na meron ngang ganito, ospital, mga doktor at nurses na walang mga permit, mga license to practice medicine and nursing in the Philippines,” ani Casio.
Isa sa mga nasakote ang Vietnamese na naaktuhang tumitingin sa isang may sakit.
Nakadetine na ang dayuhan at iba pang nadakip na staff sa Bureau of Immigration.