NAGLABAS ng pahayag ang showbiz insider na si Ogie Diaz makaraan siyang sampahan ng kasong cyber libel ng aktres na si Bea Alonzo.
Sa kanyang Facebook post, humingi ng paumanhin si Ogie sa mga kaibigang mamamahayag na hinihingi ang kanyang panig.
“Pasensya na sa lahat ng reporters na tumatawag para maging balanse lang ang kanilang report.
Naiintindihan ko kayo kung nginangarag kayo ng news desk o ng editors nyo. Makakarating din naman sa amin yan para sagutin sa takdang panahon,” ani Diaz.
“Pero eto ha? Ayoko nang magpakaplastik. Tulad ng lagi naming hinihirit sa Ogie Diaz Showbiz Update, sila pa rin ang gusto naming magkatuluyan sa ending,” dagdag niya.
Nitong Huwebes, Mayo 2, nagtungo si Bea sa Quezon City Prosecutor’s Office para maghain ng tatlong magkakahiwalay na kasong cyber libel laban kina Ogie, Cristy Fermin, mga co-host sa kani-kanilang online program, at isang hindi pinangalan na indibidwal na nagpanggap na “tagapagsalita” ni Bea.
Ayon sa reklamo, naging biktima ng “false, malicious, and damaging information” ang aktres hindi lamang dahil sa mga programa nina Cristy at Ogie, kundi maging ng hindi pinangalanang personalidad na pinalalabas na kakilala nito nang personal si Bea.
Isa sa mga inakusa kay Bea ang hindi umano nito pagbabayad ng tamang buwis.