NAGBABALA ang National Security Council (NSC) nitong Huwebes tungkol sa umano’y posibleng panhihimasok ng China sa darating na halalan sa Mayo.
Sa isang pagdinig ng Senado ukol sa mga natuklasang submersible drones at posibleng paniniktik sa bansa, sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na, “may mga indikasyon na may mga information operations na isinasagawa sa Pilipinas na pinondohan ng Chinese state at may layuning makialam sa nalalapit na eleksyon.”
Ito ay tugon niya sa tanong ni Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones chairperson at Majority Floor Leader Francis Tolentino.
“So ibig sabihin, may operasyon ang China para suportahan ‘yung mga kandidatong gusto nilang manalo, at kontrahin naman ‘yung ayaw nilang manalo? Yun ang diretsong tanong ko,” ani Tolentino.
Ayon kay Tolentino, “Hindi ito agad naiintindihan ng publiko dahil nahahalo na ito sa social media. Hindi mo na alam kung ano ang totoo.”
“That’s correct,” tugon ni Malaya.