DAHIL sa tindi ng pagbahang inabot ng maraming bahagi ng Northern Samar, isinailalim ang buong lalawigan sa state of calamity.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, 70 porsiyento ng populasyon o 74,500 pamilya o 370,000 indibidwal sa 24 na bayan ang apektado ng pagbaha dulot ng matinding pag-uulan dala ng shear line.
Matinding pinsala ang inabot ng maraming bahagi ng iba’t ibang bayan mula sa Catarman, Catubig, Gamay, Lapinig, Las Navas, Lope de Vega, Mapanas, Mondragon, Pambujan, Rosario, San Roque, Victoria, at Lavezares.
Matindi rin ang pinsala na inabot ng bayan ng Jipapad sa Eastern Samar na idineklara na rin na isinailalim sa state of calamity matapos bahain ang 13 barangay nito simula pa nitong Lunes. Umabot na sa halos 3,000 pamilya o 10,000 katao ang apektado ng pagbaha.