INANUNSYO ni Noli de Castro nitong Huwebes ang kanyang pagbabalik sa Teleradyo ng ABS-CBN sa Lunes.
“Salamat po, sa kaunting pagkakataon na ma-enjoy ko ang beach, bago bumalik muli sa Teleradyo sa Lunes, kita kits kabayan,” ani Noli sa Instagram post.
Matatandaan na nagbitiw si Noli bilang brodkaster at newscaster ng Kapamilya network noong nakaraang Oktubre 7 ilang araw bago nagsumite ng certificate of candidacy bilang senador.
Mensahe niya: “Matapos ang malalalim na pagsusuri at taimtin na pagdarasal, ako po ay nagdesisyong tumakbo bilang senador sa halalan sa susunod na taon.”
“At dahil sa hakbang na ito, kinakailangan ko iwan ang TV Patrol at ang ABS-CBN para ipagpatuloy ang serbisyo publiko sa ibang larangan.”
Pero makalipas ang limang araw ay binawi ni Noli ang kanyang kandidatura.
“Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasiya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura.
“Gayunpaman, hindi po nagbago ang aking layunin at hangad para sa bayan.”
“Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makatutulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag.”