SA pagsisimula ngayong araw, Mayo 26, ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP) na ipatutupad sa ilang pangunahing lansangan, tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magiging patas ito sa pagbibigay ng mga traffic violation citations sa mga motorista.
Ayon sa ahensya, hindi nila ipatutupad ang polisiya sa mga lansangan na may problema sa mga markings at signages, ayon kay MMDA traffic discipline office director for enforcement Victor Nuñez sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.
Isa na rito ang bahagi ng Commonwealth Avenue in Quezon City kung saan mya ginagawang rehabilitasyon ang Department of Public Works and Highways.
“We will be fair in dealing with these issues, and if there is an error on our part of serving a notice of violation despite the absence of proper traffic signages, [motorists] can file a protest online through our traffic adjudication office,” paliwanag pa niya.
Sa naunang advisory ng MMDA, ipatutupad ang NCAP sa limang circumferential (C-1 to C-5) at 10 radial (R-1 to R-10) roads sa Metro Manila.
Ang mga ito ay ang sumusunod:
C-1: Recto; C-2: Mendoza, Quirino Avenue; C-3: Araneta Avenue; C-4: Edsa; C-5: C.P. Garcia, Katipunan Avenue and Tandang Sora; R-1: Roxas Boulevard; R-2: Taft Avenue; R-3: South Super Highway (Osmeña Highway, East and West Service Road, and Manila South Road); R-4: Shaw Boulevard; R-5: Ortigas Avenue; R-6: Magsaysay Boulevard and Aurora Boulevard; R-7: Commonwealth Avenue; R-8: A. Bonifacio Avenue; R-9: Rizal Avenue; and R-10: Delpan, Marcos Highway and MacArthur Highway.
Nitong Mayo 20, inilabas ng Korte Suprema ang kautusan na nagli-lift partially sa temporary restraining order (TRO) laban sa NCAP, na pinapayagan ang MMDA ngunit hindi ang mga lokal na pamahalaan na iaptupad ang nasabing polisiya.