GUMARALGAL ang boses bago tuluyang napaiyak ang dating child superstar na si Niño Muhlach nang humarap sa Senado ngayong araw upang ilahad ang kanyang saloobin sa nangyari umanong pang-aabuso sa kanyang anak na si Sandro ng mga GMA independent contractors na sina Richard “Dode’ Cruz at Jojo Tawasil Nones.
Ayon kay Muhlach, masama ang kanyang loob kay Nones dahil nagkasama na sila nito sa trabaho at mataas ang respeto niya rito.
“Talaga akong nasaktan noong ikinuwento niya (Sandro) ang nangyari. Para makita mo ‘yung anak mo na nanginginig at hindi niya halos mahawakan ‘yung telepono niya noong ikinuwento niya sa akin ‘yung ginawa, lalo na si Jojo Nones po. Katrabaho namin ni Sen [Bong Revilla] sa ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis,” aniya.
“Siya po ‘yung head writer namin at sobrang galang ko sa kanya, sobrang respeto ko sa kanya. Pag may events kami, ako pa ‘yung unang lumalapit sa kanya. Sir Jojo pa nga ang tawag ko sa kanya. Kaya hindi ko talaga matanggap ginawa niya sa anak ko,” dagdag ni Muhlach.
Sinabi naman niya na hindi niya kilala si Cruz.
“Pero sobrang sama talaga ng loob ko kay Jojo Nones. Kung makita n’yo lang po talaga ‘yung anak ko talaga,” dugtong pa ni Muhlach bago tuluyang napahagulgol.
Samantala, nag-isyu ang Senate Committee on Public Information and Mass Media, ang komite na nag-iimbestiga sa kaso laban kina Cruz at Nones, ng subpoena ad testificandum para mapilitang humarap ang dalawa sa pagdinig.
Ani Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, na humiling na i-subpoena ang dalawang TV executives, hindi katanggap-tanggap ang rason nila sa hindi pagdalo ngayong araw.
“I just read the letter coming from Mr. Richard Cruz and Mr. Jojo Nones and I believe that the letter, the statements stated here are unacceptable,” ani Estrada.
“I just would like to give a piece of advice to these two gentlemen. Alam n’yo pagkainimbita kayo sa Senado huwag n’yo i-preempt ‘yung aming mga tanong. I think this letter is totally unacceptable and I move that we subpoena them ad testificandum on the next hearing,” dagdag niya.
Sinegundahan naman ni Revila ang mosyon na inaprubahan ng panel chairman na si Sen. Robin Padilla.