New DOTr chief: Cashless toll collection hindi tuloy sa Mar. 15

HINDI tuloy ang pagpapatupad ng cashless at contactless toll collection sa North Luzon Expressway at South Luzon Expressway sa Marso 15, ayon sa bagong talagang pinuno ng Department of Transportation na si Vince Dizon.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Dizon na inatasan na niya ang Toll Regulatory Board na ipagpaliban ang pagpapatupad sa nauna nitong abiso na magsisimula na ang implementasyon ng cashless at contactless toll payment sa mga expressway.

Ayon kay Dizon, hindi siya naniniwalang oras na para ipatupad ang polisiyang ito lalo pa’t hindi pa perpekto ang cashless system.

Bukod dito, naniniwala rin siyang “anti-poor” ang gustong ipatupad na sistema.

“I want to first work with the two toll operators, MPTC (Metro Pacific Tollways Corp.) and San Miguel [Infrastructure]. Tingnan muna natin ang sistema. Is there a way to make it more efficient? Okay ba? Lahat ba ng barrier gumagana? Lahat ba ng RFID nababasa?” Dizon said.

“Naiintindihan ko yung need to regulate. Pero kailangan, the need to regulate should not result in making the lives of people difficult. Dapat gumiginhawa ang buhay ng tao hindi pinapahirapan. Itong cashless na ito, tingin ko pagpapahirap ito kaya hindi ako naniniwala diyan. Siguro pagdating ng panahong na-perfect na yung system,” dagdag pa ng bagong pinuno ng ahensiya.

Basa sa polisyang dapat ipatutupad ng Cashless or Contactless Transactions Program, hindi papayagan sa expressway dumaan ang mga sasakyan na walang RFID, at kung sumuway naman ay papatawan ng karampatang parusa.