Negosyante patay sa sakal ng katulong, manliligaw

NASAWI ang isang businesswoman makaraang pagtulungang sakalin ng kasambahay at umano’y manliligaw nito sa General Trias, Cavite kamakailan.

Agad na nadakip ang katulong na si alyas Nessa at ang kakuntsaba nitong nakilala lamang sa pangalang Dondon.

Ayon sa ulat, natagpuang wala nang buhay si Ruby Castro sa loob ng bahay. Base sa isinagawang autopsy, lumabas na namatay ang biktima sa pagsakal.

Nang suriin ng pulisya ang CCTV footage, nakita ang kasambahay na nilagyan ng takip ang camera.

Inalis naman ni Castro ang tabing nang makita ito pero makaraan ang ilang minuto ay ibinalik ito ng suspek.

Maya-maya pa ang maririnig ang kalabog at sigawan.

Napag-alaman na apat na araw pa lang namamasukan ang suspek sa bahay ng biktima.

Naniniwala ang mga otoridad na plinano ng mga suspek na nakawan ang biktima pero pinatay nila ang ginang nang maaktuhan sila nito.

“Tinarget po talaga. They had planned it. It is premeditated,” ani Gen. Trias Police chief Lt Col. Jose Naparato Jr.

“Ang gamit po sa pagsakal ay panyo, isang panyo. At nagtulong po yung si alias Nessa at yung kanyang manliligaw na si alias Dondon sa pagsakal sa ating biktima,” pahayag ng opisyal.