IBABALIK ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3 epektibo sa Enero 3 hanggang Enero 15, 2021 matapos makapagtala ng tatlong lokal na kaso ng Omicron variant.
“Sa mga susunod na araw, maaaring makita natin ang malaking pagtaas ng mga kaso. Ito ang dahilan kung bakit nakapagdesisyon ang inyong Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na itaas ang alert level classification ng National Capital Region sa alert level 3,” sabi ni Acting presidential spokesperson Karlo Nograles.
Ayon sa Department of Health (DoH), dalawa sa tatlong lokal na kaso ng Omicron ay naitala sa Bicol Region, samantalang isa sa Metro Manila.
Ang unang kaso ay isang 42-anyos na lalaki mula sa Metro Manila at nagpositibo sa coronavirus disease (Covid-19) noong Disyembre 3 Samantalang isang 27-anyos na babae mula sa Bicol ang nagpositibo sa Omicron noong Disyembre 14 at isang 46-anyos na babae mula rin sa Bicol ang nagpositibo naman noong Disyembre 15.