NAKIUSAP si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ngayong Martes kay suspended Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na sumuko na habang pending pa ang mga reklamo laban sa kanya.
“(Kung)Nakikinig si Mayor Alice, wala naman problema na hindi na-solve. Pwede siyang makipag-usap, sumuko siya sa Senate, umattend siya ng hearing. Lahat ‘yan maayos, maganda siyang magpaliwanag,” ayon kay Santiago.
“Remember wala pang charges against her. What we have is a Senate warrant because of her non-attendance, contempt. So, kung ako si Mayor Alice, makipag-ugnayan ka sa Senate nang matapos na itong usapin na ito. Sana ito ngayon sa pakiusap ko, naririnig ni Mayor Alice, hindi sya madedehado pag sa kin sya sumuko,” dagdag pa nito.
Samantala, inanunsyo ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) na pitong Chinese national ang inaresto sa Parañaque at Quezon City, dahil sa credit card fraud at panunuhol sa mga operatibang umaresto sa kanila.
Isinagawa ang entrapment operation noong Hulyo 27 na nagresulta sa pagkaaresto ng dalawang Chinese sa Paranaque.
Sinuhulan pa ng dalawa na nakilalang sina Sun Jie and Lee Ching Ho ang mga operatibang umaresto sa kanila ng P1.5 milyon para sila pakawalan.
Nag-agree umano ang mga operatiba at ikinasa ang panibagong entrapment operation laban sa limang iba.