UMAKYAT na sa 12 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Nika (international name Toraji), Ofel (Usagi) at Pepito (Man-yi) na sunod-sunod na bumayo sa maraming bahagi ng hilagang bahagi ng bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.
Lima sa 12 naiulat na nasawi, kabilang ang tatlo mula sa Central Luzon at dalawa sa Cordillera Administrative Region, ang nakumpirma na ng ahensiya.
Ang pitong iba pa ay mula sa Cagayan Valley at patuloy pa rin sumasailalim sa beripikasyon.
Umabot naman sa 14 ang naiulat na nasugatan habang tatlo pa ang patuloy na pinaghahanap.
Nasa 939,936 pamilya o 3,507,920 indibidwal mula sa 6,356 barangays sa pitong rehiyon naman ang apektado ng nasabing tatlong bagyo.
May 51,921 kabahayan naman ang nasira ng mga bagyo, 9,099 dito ay “totally damaged”.
Naitala ang mga nasirang bahay sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol at Cordillera.
Naitala naman ang kabuuang P2.03 bilyon halaga ng pinsala ang naidulot sa imprastraktura at P29.5 milyon naman sa agrikultura.