Napulot na credit card ipinang-shopping ng P88K na cellphone

NAKABANDERA sa social media ang mukha ng  isang babae na bumili ng cellphone na nagkakahalaga ng P88,000 ang presyo gamit ang napulot na credit card.

Sa viral post, ibinahagi ng FB user na si J-eazy Drake Garcia ang larawan ng babae at ang resibo kung saan ginaya ng huli ang lagda ng may-ari ng credit card.

Ani Garcia, sa Antipolo nawala ang wallet ng biktima at makaraan ang 30 minuto ay ginamit na ang credit card sa Marikina.

“Baka may nakakilala dito. Nalaglag wallet ng client ko may laman na 30,000 cash. At 3 credit cards. Pagkapulot sa Masinag iniswipe agad credit card niya bumili ng 88,000 pesos na CP sa Marikina siya bumili,” sey ni Garcia sa post.

“Ginaya po pirma and name ng client ko sa resibo. Pero ang address nilagay Quezon City. Taga Antipolo po may ari ng credit card at wallet. Pashare po. Makakatulong po tayo if masishare natin FB friends,” dagdag niya.