NANGANGAMBA ang ina ni Mary Jane Veloso para sa buhay nang anak sakaling iuwi ito at sa bansa ikulong.
Ginawa ni Celia, nanay ni Veloso, ang pahayag matapos kumpirmahin ni Pangulong Bongbong Marcos na iuuwi na ang overseas Filipino worker.
Si Veloso ay una nang hinatulan na mamatay matapos itong mahuling may bitbit na mahigit dalawang kilong heroin sa Adisucipto International Airport sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010.
Napagkasunduan ng Pilipinas at Indonesia na pauwiin na si Veloso sa bansa ngunit hindi pa malinaw kung ikukulong pa ito sa kanyang pagbalik.
Para kay Celia, nakulong na ang anak ng 14 taon sa Indonesia, at mabuting doon na lang niya bunuin ang mga natitirang taon kaysa makulong dito sa Pilipinas.
“Para po sa akin, sa amin pong pamilya, kung iuuwi si Mary Jane at ikukulong din po, gugustuhin ko po sa Indonesia siya nakakulong,” ayon kay Celia sa panayam ng radio station dwPM.
“Dahil mas safe po ang kalooban namin dahil nakikita namin ang trato kay Mary Jane talagang mahal na mahal nila. Eh dito sa Pilipinas, hindi po kami nakakasiguro dahil international na sindikato po ang kalaban namin,” paliwanag pa ng ginang.