NAHAHARAP sa multiple murder cases laban sa suspendidong Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. kaugnay sa pagkamatay ng tatlong indibidwal noong 2019.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, isasampa ang kaso sa Regional Trial Court sa Maynila, at tiniyak nito na malakas ang kaso nila laban sa kongresista.
“There’s a lot of evidence gathered, this took how many months, so almost four months of preliminary investigation,” ayon kay Remulla.
Si Teves ang itinuturong pumatay sa dating miyembro ng Negros Oriental provincial board na si Michael Dungog noong Marso 25, 2019 sa Dumaguete City.
Idinadawit din ito sa pagpatay kay Lester Bato, na bodyguard ng isang mayoral candidate noong 2019; at Pacito Libro na sinasabing “hitman” ni Teves.
“Ang tatlong kasong ito ay kasama sa mga bagay na nagbigay takot sa mga tao sa Negros Oriental,” dagdag pa ng opisyal.
“Mahabang panahon na kasi na maraming natatakot dito sapagkat ang pagpatay ng mga tao sa larangan ng pulitika at anu pa mang dahilan ay napakarami talagang nagyayari,” ayon pa dito.
Si Teves din ang itinuturong utak ng pamamaslang kay Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4.