Miss Grand Myanmar tatanggalan ng title?

PINAG-IISIPAN na ng owner ng Miss Grand International na si Nawat Itsaragrisil kung babawiin ang titulong Miss MGI second runner-up mula kay Miss Grand Myanmar Thae Su Nyein kaugnay sa inasal ng team nito matapos ang coronation night noong Biyernes.

Sa TikTok, inihayag ni Nawat na iaanunsyo niya ang desisyon sa kapalaran ni Thae sa mga susunod na araw.

Bukod sa ipinakitang kabastusan ng Myanmar team nang hindi manalo ang kanilang kandidata, pinunto ni Nawat na mayroon ding pagkukulang si Thae kaya second-runner up lang ito.

Aniya, hindi lumalahok sa mga press interviews at madaling bumigay sa pressure ang dalaga.

Dagdag ni Nawat, nakitaan din ito ng unprofessionalism sa ginawa nitong pagwo-walkout makaraan ang coronation night.

Bago ito, nag-viral ang video ng ginawang paghablot ng MGI-Myanmar national director na si SooMin Tun sa korona ni Thae habang nasa stage ang kandidata.

Maya-maya pa ay tinanggal nito ang sash saka nilamukos at ibinigay sa tauhan saka sila nagmamadaling lumabas ng venue.