BAGO pa makapaghain ng kandidatura bilang partylist ang FPJ Panday Bayanihan, tiniyak na ng mga taga-Mindoro ang suporta nito para sa grupo na nagsusulong para sa kapakanan ng lalawigan.
Nitong weekend, may 5,000 katao ang dumalo sa proclamation rally na nagpapakita ng matinding pagsuporta sa FPJ Panday Bayanihan na pinangungunahan ni Brian Poe Llamanzares, anak ni Senador Grace Poe.
Inendorso ng lalawigan bilang partylist na kanilang susuportahan sa darating na halalan, kasabay ang full backing ng Galing at Serbisyo Para sa Mindoro (GSM), ang regional party na pinangungunahan ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor.
Hayagang inendorso ni Dolor ang FPJ Panday Bayanihan, na anya ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mga taga-Mindoro.
Samantala, inendorso naman ni Llamanzares si Hiyas Dolor, misis ng gobernador, bilang isa sa mga nominado ng FPJ Panday Bayanihan.
“Ang bagong araw na dala ng pangako ni FPJ ay narito na. Sa tulong ni Gov. Bonz Dolor, GSM, FPJ Panday Bayanihan at Sen. Grace Poe, matutupad natin ang pagbabago sa ating pagsasama-sama. Suportahan natin si Ate Hiyas Dolor na siyang ating representative sa Kongreso,” ani Llamanzares.