SINAMPAHAN ng patong-patong na kaso ang kumadrona na nagtangkang magbenta ng sanggol sa Facebook.
Ani National Authority for Child Care (NACC) Undersecretary Janella Ejercito Estrada, nadakip ang suspek, 51, sa entrapment operation sa Muntinlupa City noong nakaraang Martes.
Agad na sinampahan ang suspek ng mga kasong paglabág sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act (Republic Act No. 7610), Anti-Trafficking in Persons Act (RA No. 9208), at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act (RA No. 11862) sa Department of Justice.
Napag-alaman na napuna ng DOJ Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang isang kadududang post ng suspek sa Facebook gamit ang ibang pangalan.
Nang makumpirma na ipinagbibili ng suspek ang isang bagong silang na sanggol sa halagang P25,000 ay agad na nagkasa ang NBI-Anti-Human Trafficking Division ng entrapment operation. Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggol.