MAKAKAHINGA pa ng kaunti ang mga consumer ng Meralco matapos magdeklara ang power distributor na hindi pa rin sila mamumutol ng koneksyon hanggang Mayo 14.
Ito ay kaalinsabay sa naging desisyon ng Malacanang na palawigin pa ang modified enhanced community quarantine ng dalawa pang linggo upang magtuluy-tuloy ang pagbaba ng mga kaso ng coronavirus disease sa Metro Manila at kalapit na apat na probinsiya nito.
Ayon sa Meralco hindi muna sila mamumutol ng koneksyon sa mga hindi makabayad ng kanilang bill sa kuryente bilang tugon sa sitwasyong dinaranas ng mga residente ng National Capital Region at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
“Given the current situation and the extended MECQ, we continue to take into consideration the challenges our customers are facing amid these difficult times. Thus, we will continue to put on hold all disconnection activities until May 14, 2021,” ayon kay Ferdinand O. Geluz, Meralco FVP and Chief Commercial Officer.
“We hope this extension will help lessen the burden of our customers and provide enough relief and time for them to settle their bills,” dagdag pa nito.
Gayunman, pinayuhan ni Geluz ang mga consumer na bayaran ang kanilang bills nang mas maaga upang hindi maranasan ang tinatawag na “bill shock”.