Mayor Alice Guo DNA test malabo na

MALABO nang maisagawa ang DNA test ni Bamban Mayor Alice Guo at sinasabing kanyang Chinese na biological mother na si Lin Wen Yi, dahil nakalabas na ito ng bansa.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, malabo na anyang mangyari ang planong DNA test sa dalawa dahil nakalabas na ng Pilipinas si Lin Wen Yi at Jian Zhong Guo base sa report ng Bureau of Immigration.

“Nakalabas na sila ng bansa, hindi na sila mahanap dito,” ayon kay Gatchalian sa isang radio interview nitong Linggo.

“First of all, these two are Chinese nationals so they can really go back to China anytime and opt not to return here. If that happens, we no longer have a chance to prove that these two are Mayor Alice’s parents … for now Lin Wen Yi is no longer in the country so it would be difficult for us to demand a DNA test,” dagdag pa ng opisyal.

Una nang inihain ni Gatchalian ang DNA test para masiguro ang relasyon ni Guo at ni Lin Wen Yi sa gitna nang isinasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa kuwestyunableng citizenship ng alkalde.

Sa mga nakalipas na pagdinig, iginigiit ni Guo na Filipino ang kanyang ina.