NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga opisyal ng 896 sa lungsod na paigtingin pa ang paglilinis sa kanilang mga nasasakupan upang matiyak na protektado ang publiko laban sa dengue at leptospirosis.
Ginawa ni Lacuna ang panawagan matapos makapagtala ang lungsod ng 131 probable at confirmed cases ng dengue mula Hulyo 21 hanggang Agosto 9, 2024.
Ayon kay Lacuna, ang sakit na dengue at leptospirosis ay maaaring maiwasan sa pamamagitan lamang nang pagtiyak na palaging malinis ang paligid upang walang pamahayan ang mga lamok at mga daga.
“Ang dengue ay sakit na maaring iwasan. Dala ito ng lamok pero naiiwasan kung pananatihing malinis ang paligid. Huwag mag-iwan ng imbak na tubig, linisin ang mga kanal dahil diyan namumugad ang mga lamok na may dalang dengue,” ayon sa alkalde.
Kung malinis at hindi barado ang mga daanang-tubig ay maiiwasan rin aniya ang mga pagbaha, kung saan naman maaaring makuha ang leptospirosis.
Kaugnay nito, hinikayat rin naman ng alkalde ang mga opisyal ng barangay at mga magulang na sakaling magkaroon ng mga pagbaha ay huwag hayaan ang mga bata na maglaro at maligo ang mga ito sa baha. (Jerry Tan)