INIWAN na rin ni Pangulong Bongbong Marcos ang posisyon nito bilang kalihim ng Department of Agriculture matapos na italaga ang fishing magnate na si Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa briefing sa Malacanang nitong Biyernes, sinabi ni Marcos na pormal nang nakapanumpa sa kanya si Laurel, may-ari ng Frabelle Corporation, at isa sa kanyang mga campaign donors noong nakaraang 2022 elections.
Naniniwala si Marcos sa kakayahan ni Laurel para pangunahan ang departamento. Anya kilala niya si Laurel simula nang bata pa lang sila.
“Malakas ang loob ko mai-appoint siya kasi kilala ko ang pagkatao niya. Napakasipag nito, unang-una. Pangalawa, nauunawaan niyang mabuti ang sistema ng agrikultura dito sa Pilipinas,” pahayag ni Marcos.
Bago ang pagkakatalaga kay Laurel, hinawakan muna ni Marcos ang DA ng mahigit isang taon.