BINALAAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga tsuper ng mga public utility vehicles na huwag singilin nang sobra ang mga pasahero, partikular ang mga dayuhang turista.
Nitong Sabado ay nag-isyu ng statement ang ahensya makaraang ibahagi ni Joshua Hong ng K-pop boy band Seventeen ang karanasan niya at ng ina sa taxi driver na tinaga sila sa pasahe nang bumisita sila sa Maynila noong Setyembre.
Matatandaang sinabi ni Hong na siningil sila ng P1,000 ng taxi driver na tatlong beses na mataas kesa sa dapat nilang bayaran.
“Kailanman ay hindi katanggap-tanggap sa LTFRB ang ganitong panloloko ng mga PUV drivers sa kanilang mga pasahero – lokal man o dayuhan,” ayon sa LTFRB.
Sa livestream video, ikinuwento ni Hong ang mga naranasan niya sa Maynila nang magbakasyon sila rito ng kanyang ina noong nakaraang buwan.
Ilan sa mga karanasan niya maliban sa sobrang singil ng taxi driver ang hindi paggana ng card niya sa mga ATM machine at ang “bland” na pagkain sa dimsum restaurant sa isang five-star hotel.
Pinunto naman ng Seventeen member na, “I’m not saying that Manila is a bad place to travel. I’m just sharing my own experience, and that is what sort of thing that could happen to you if you go on a trip without making any plans in advance.”
Samantala, ipinaalala ng LTFRB sa mga driver at operator ng PUVs na maaari silang patawan ng multa at matanggalan ng certificate of public convenience sa pago-overcharge ng pasahero.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na i-report ang mga pasaway na driver sa hotline 1342, sa kanilang social media pages o sa [email protected].