NAAYOS na ang gusot sa pagitan ng aktres na si Francine Diaz at ng bandang Orange and Lemons kaugnay sa naganap na umano’y sapawan sa isang event sa San Jose, Occidental Mindoro.
Nitong Biyernes, Mayo 3, ay nagharap ang dalawang panig para pag-usapan ang isyu.
Ayon kay Clem Castro, vocalist ng Orange and Lemons, nagkaroon lamang ng “miscommunication” sa pagitan nila at ni Francine ukol sa “flow” ng programa.
“The show was two hours delayed. So, ambilis ng pangyayari. Magulo backstage. Things got out of hand and out of control,” ani Clem.
Aniya, kapwa nagkapaliwanagan at humingi ng dispensa ang dalawang panig.
“I apologized for my behavior, I explained my side. They explained their side. And we found the root cause of the problem – it’s miscommunication,” dagdag niya.
Ayon pa kay Clem, sana ay magsilbing leksyon ang nangyari, partikular doon sa mga nag-oorganisa ng mga ganoong klase ng event.
Inako naman ng producer ng show na si
Kylee Dioneda ang kanilang pagkakamali sa naganap na kalituhan ng mga performers.
Humingi rin ng paumanhin si Francine sa hindi niya pagbibigay ng kaukulang respeto at pagkilala sa banda noong nasa entablado siya.
Sey pa ng aktres na dahil nagkaayos na sila ng banda ay iimbitahan niya ang mga members nito sa premiere night ng kanyang first movie with Seth Fedelin.
Ibinida pa niya na napag-usapan na rin nila ang posibleng collaboration.
Chika ni Francine, gusto niyang matuto sa musika sa tulong at gabay ni Clem at ng banda.