SUPORTADO ng Kamara ang pagbili ng National Food Authority (NFA) Council ng palay sa mga lokal na magsasaka sa mas mataas na presyo.
Ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert Lee, makatutulong ito sa pagpapalaki ng buffer stock ng bigas sa bansa.
“The administration’s measure to boost the country’s rice buffer stock by buying local palay at a higher price is what the farmers—our food security soldiers—need now more than ever as they struggle with the effects of El Niño and low income. Spending more to boost their productivity is the right way to go,” paliwanag ng mambabatas.
Bibilhin ng NFA ang tuyong palay sa halagang P23 hanggang 30 kada kilo mula sa P19 hanggang P23.
Ang basa o sariwang palay naman ay bibilhin sa halagang P17 hanggang P23 mula sa P16 hanggang 19 kada kilo.
Si Lee ang nasa likod ng panukalang Cheaper Rice Act (House Bill 9020) na layong bilhin ng gobyerno sa mas mataas na halaga ang palay mula sa mga lokal na magsasaka upang maengganyo ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang pagtatanim.
“Sa panukala nating Cheaper Rice Act, isasabatas na natin ang dagdag o patong na P5 to P10 sa prevailing farm gate price per kilo ng palay na bibilhin ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka para siguradong kikita sila. Kapag may kita, magpupursige silang taasan ang kanilang produksyon. Kapag dumami ang supply ng bigas, bababa rin ang presyo sa merkado, na aambag din sa pagkamit ng food security sa bansa,” sambit ni Lee.