UUWI na ng bansa ang overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso.
Ito ang kinumpirma ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ngayong MIyerkules matapos payagan ng Indonesian government na dito na sa Pilipinas bunuin ni Veloso ang kanyang sentensiya dahil sa kasong droga.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na makakauwi na uli sa bansa si Veloso matapos ang isang dekadang pakikipag-usap sa pamahalaan ng Indonesia.
Una nang hinatulan ng kamatayan si Veloso ngunit unti-unti itong nai-delay dahil sa tuloy-tuloy na pakikipag-usap ng pamahalaang Pilipinas sa Indonesia hanggang sa tuluyan nang pumayag ang huli na pauwiin na lamang ang Pinay.
“We managed to delay her execution long enough to reach an agreement to finally bring her back to the Philippines,” ayon kay Marcos.
“Mary Jane’s story resonates with many: a mother trapped by the grip of poverty, who made one desperate choice that altered the course of her life. While she was held accountable under Indonesian law, she remains a victim of her circumstances,” dagdag pa ni Marcos.
Pinasalamatan din ng pangulo si Indonesian President Prabowo Subianto at kanilang pamahalaan sa kanilang goodwill.
Noong 2010, inaresto si Veloso sa Adisucipto International Airport in Yogyakarta matapos makuha sa kanya ang may 2.6 kilong heroin.
Hanggang ngayon ay naninindigan si Veloso na hindi niya alam na may lamang heroin ang kanyang bagahe nang dumating ito sa Indonesia dahil sa ito umano ay ibinigay lamang sa kanya ng kanyang mga recruiters na sina Julius Lacanilao at Maria Cristina Sergio.