Mary Jane Veloso nakauwi na ng Pinas

NAKABALIK na sa bansa Miyerkules ng umaga si Mary Jane Veloso matapos ang 15 taon na nakulong sa Indonesia dahil sa diumano’y pagkakasangkot nito sa drug trafficking.

Sakay ng Cebu Pacific flight 5J760, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City si Veloso alas-5:51 ng madaling araw, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).

Pagdating sa airport, mabilis na nailipat si Velos sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City. Siya ay mananatili sa Reception and Diagnostic Center sa loob ng limang araw para ma-quarantine at 55-araw naman para sa oritentation, diagnostic evaluation at initial security classification.

Siniguro naman ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa pamilya ni Veloso na matapos ang quarantine, mabibisita nila ito sa Pasko.

Naaresto si Veloso noong 2010 at nahatulan ng kamatayan matapos makuha sa kanya ang 2.6 kilo ng heroin sa kanyang suitcase.

Nabigyan siya ng reprieve noong 2015 matapos abisuhan ang Jakarta ng Maynila na sumuko na ang recruiters nito.

Samantala, muling nakiusap ang ina ni Veloso na si Celia kay Pangulong Bongbong Marcos na bigyan ang anak ng pardon.

“Tama na po ‘yung magfi-fifteen years na sya sa kulungan na wala naman sya kasalanan, alam naman na biktima lang sya at nahatulan na rin ‘yung may-ari ng nahuli sa kanya na heroin. Sana naman ibigay na sa kanya ang clemency at pardon kay Mary Jane at nang makapiling na namin,” ayon kay Celia.