Markki Stroem ala-tikbalang sa Mister Universe 2024

TIKBALANG ang inspirasyon ng singer-actor na si Markki Stroem sa kanyang national costume para sa Mister Universe 2024 pageant sa Los Angeles, California.

Sa Instagram, ibinahagi ni Markki, 37, ang mga photo niya suot ang itim na bahag na dinisenyo ng fashion designer na si Patrick Isorena. Itinerno niya ito sa horse head dress, mga gold arm at wrist cuff, at pakpak na parang mga puno.

Nagmukha namang paa ng kabayo ang knee high boots niya na gawa sa leather habang hawak niya ang isang mahabang kahoy na binalutan ng itim na inabel.

“The Tikbalang is said to lurk in the rainforests of the Philippines. It is a half-human, half-horse, with a head and hooves of a horse. Tikbalangs scare travelers, lead them astray and play tricks on them to get lost forever in the Philippine rainforests that they inhabit,” ani Markki sa caption.

“In this multiverse, my version of the Tikbalang has joined forces with mother nature to take down illegal loggers and land grabbers. Joining forces to protect our magnificent ecosystems and save our environment,” dagdag niya.

Lumipad pa-US si Markki, Marcello Angelo Ledesma Strøm sa totoong buhay, noong isang linggo para lumaban sa Mister Universe 2024. Gaganapin ang timpalak ngayong araw.

Bago sumali sa pageant, nagbida si Markki sa Netflix film na “Lolo and the Kid” kasama sina Euwenn Mikaell at Joel Torre.