WALA pang balak na bitiwan ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture kung saan siya ay concurrent secretary.
Ayon kay Marcos iiwan lamang niya ito at magtatalaga ng bagong kalihim sakaling matapos na niya ang mga “mabibigat na gawain” sa departamento.
“All the hard things, ‘yung mahirap gawin ngayon namin gagawin. ‘Pag nagawa na namin ‘yung mga bucket list namin, natapos na namin, aalis na ako. Then I will give it to somebody else,” pahayag ni Marcos sa panayam matapos ang pagbisita sa Davos, Switzerland para sa World Economic Forum.
Matatandaan na sinabi ni Marcos na may pangarap siya para sa agriculture sector ng bansa. Ito ay magkaroon ng sustainable livelihood for farmers, food security at affordable food for all.
Sa sandaling bitiwan ang DA, sinabi ni Marcos na ang gusto niyang maging kapalit niya ay iyong totoong expert sa agrikultura. Wala rin anya siyang balak na mag-appoint ng retired na heneral ng militar o ng pulisya para sa nasabing pwesto.
“Kailangan eksperto sa agrikultura. Agriculture is a very complicated subject. Hindi lang kung sino-sino basta’t magaling mag-manage. They have to understand the science… They have to understand the solution. They also have to understand the system,” dagdag pa niya.