HINIKAYAT ni Pangulong Bongbong Marcos ang iba’t ibang transport group na pag-isipan munang mabuti ang gagawing strike bago ito tuluyang gawin, kasabay ang pagtiyak nito na pinag-aaralang mabuti ng pamahalaan ang pagpapatupad sa public utility vehicle (PUV) modernization program.
Umapela si Marcos na dapat isipin ng mga grupo na matindi ang idudulot ng strike sa mga commuter.
“Kawawa talaga ang mga tao at marami pang naghihirap at mas lalo pang maghihirap ‘pag hindi makapasok sa trabaho,” ayon kay Marcos.
Una nang inanunsyo ng iba’t ibang transport group ang planong magsagawa ng isang linggong strike bilang protesta sa June 30 deadline na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na siyang magtatanggal sa mga tradisyunal na jeep sa lansangan.
Ayon kay Marcos na pinag-aaralan din ng kanyang administrasyon ang implementasyon ng modernization sa mga jeep.
“Sa issue ng modernization, sa aking palagay, ay kailangan ding gawin talaga ‘yan. Ngunit sa pag-aaral ko, parang hindi naging maganda ang implementasyon nung modernization program,” pag-amin ni Marcos.