PINATIGIL ni Pangulong Bongbong Marcos ang planong pag-rehabilitate sa EDSA.
Ayon sa pangulo kailangan makahanap ang gobyerno ng mas maayos na paraan para i-repair ang pangunahing lansangan sa bansa.
“Mayroon tayong mga nakita na bagong teknolohiya na hindi natin ginamit sa pagplano ng EDSA rehabilitation kaya ininstructionan ko si [Transportation Secretary] Vince Dizon at si Manny Bonoan ng [Department of Public Works and Highways] at sinabi ko pause muna doon sa rehabilitation,” ayon kay Marcos.
Nakatakda sanang simulan ang planong rehabilitasyon ngayong Hunyo na magsisimula sa Pasay City hanggang Shaw Boulevard sa Mandaluyong, na una nang inaasahan na magdudulot ng matinding trapiko.
Dahil sa inaasahang “carmageddon”, iminungkahi na rin ang muling pagpapatupad ng remoted work at hybrid work arrangement na unang nasubok noong kasagsagan ng pandemya.
Sa kabila ng suspensyon, hindi naman tinukoy ni Marcos kung kailan sisimulan ang rehabilitasyon ng EDSA, bagamat sinabi nito na kailangan ng isang buwan para sa pag-aaral.
“Ang daming sakripisyo, masyadong mabigat, masyadong mahigpit ang traffic kaya pause na muna yan,” dagdag pa nito.
“In other words, ang sinasabi ko, we will find a better way na hindi masyadong mahirap,” anya pa.